PARANG, MAGUINDANAO — Giyera, armas, at tila walang katapusan na kaguluhan — ito ang buhay na kinagisnan ni Datucan Othman Marangit, tubong Barira sa probinsya ng Maguindanao.

Bilang tuluyang pagtalikod sa madilim na bahagi ng kanyang nakaraan, isa si Marangit sa mga nagdesisyong magpa-dekomisyon noong 2015 sa ilalim ng proseso ng normalisasyon na napagkasunduan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas (GPH) at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

“​​Naisip ko na rin na gusto ko matahimik ang buhay ko. Matahimik ang pamilya ko lalong lalo na ang mga anak ko para makapag-aral sila [ng] mabuti,” ani Datucan.

“‘Yan po ang nag-udyok sa akin na mag-decommission ako. Para na rin ‘yung pamilya ko maligtas ko na kung ano ‘yung mga naranasan ko na hindi maganda ay hindi na po nila mararanasan,” dagdag pa nito.

Bago pa man magdesisyon si Datucan na magpa-dekomisyon, malawak na rin ang kanyang mga naging karanasan sa armadong pakikidigma.

Armadong pakikibaka

Sa murang edad pa lamang noon, ay namulat na si Datucan sa buhay ng isang guerilla hanggang sa siya ay maging S1 ng kanilang battalion commander sa ilalim ng 5th Brigade ng MILF Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF).

“Halos pagkapanganak po sa akin, naging MILF [member] na po kami. Ang kinagisnan po namin ‘yung paano lumaban,” balik tanaw niya.

“Noong kapanahunan ‘nung mga bata pa kami at magkamalay po kami andyan na po ang general operation na ‘yan. ‘Yan na po ang nag udyok sa amin para po ipagtanggol ang mga sarili namin at lugar namin,” kwento ni Datucan na aming nakausap sa kanyang payak na tahanan sa munisipalidad ng Parang sa Maguindanao.

Ayon pa sa kanya, isa sa mga pinakamahirap na karanasan niya bilang miyembro ng MILF-BIAF ang All-Out-War noong taong 2000.

“Muntik lang po akong mamatay pero hindi po ako sumuko. Talagang ipinagpatuloy ko ang pagiging MILF ko kasi ‘yun na rin ang dapat na ipaglaban ng isang Muslim. Hindi po matatawag na isang Muslim kung wala sa’yo ang Jihad,” salaysay niya.

Aniya, liban sa tindi ng bakbakan ay napakahirap din na malayo sa mga magulang na kung minsan ay taon pa ang bibilangin bago sila makapiling na muli.

“Minsan makaabot ng taon bago ka makauwi sa pamilya mo at talagang hindi mo makikita ang pamilya mo. Siyempre, ma-miss mo ang pamilya mo. Bilang Mujahideen, ang mga magulang mo, iniisip din nila kung ano na ‘yung kalagayan mo doon sa pakikipagdigma mo,” ani Datucan.

Pagsibol at pag-usad ng prosesong pangkapayapaan

Nang magsimula ng umusad ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng MILF, at mas napaigting pa ang tigil-putukan o ceasefire sa pagitan ng dalawang panig, ay nagsimula na ring lumagay sa tahimik ang pamumuhay ni Marangit.

​​”Ang naranasan namin sa pagkakaroon ng ceasefire agreement, medyo matahimik ang buhay. Nakakapamuhay ka ng maganda at nakapag-hanapbuhay. Lumagay na rin ako sa tahimik at doon ko na rin naramdaman paano magtrabaho at kumita,” ibinahagi pa n’ya.

“Noong panahon na may giyera pa, hindi mo talaga magagawa maghanap-buhay ka na parang wala kang pinangangambahan,” patuloy ni Datucan.

“Noong magkaroon ng kapayapaan at [peace] agreement, medyo natahimik ang buhay at nakapag-hanapbuhay ako hanggang sa dito na ako tumira sa Parang. Pero ang pagiging MILF ko. hindi ko pa rin kinalimutan kasi may position din naman ako,” paliwanag n’ya.

At sa patuloy na pag-usad ng GPH-MILF Peace Process, ay mas naging kampante na rin sina Datucan at ang kanyang mga kasamahan na ang hirap na dinanas nila noon ay hindi na mararanasan ng kanilang mga anak.

“Pinag-aral ko po sila (mga anak). Ang sabi ko sa mga anak ko, ‘pasalamat kayo sa panahon ngayon kasi nagkaroon ng kapayapaan at magandang usapin kaya kayo ay makakapag-aral ng mabuti at maitataguyod kayo ng maganda. Hindi gaya noon na may giyera, mahihirapan tayo,” ani ng dating mandirigma.

“Sabi ko, tuloy-tuloy na ang ganitong sistema at hindi na mawawala yung ganitong usaping kapayapaan. Kapag nawala ang kapayapaan, talagang babalik ang giyera,” dagdag pa niya.

Bunga ng Kasunduang Pangkapayapaan sa Bangsamoro

Si Datucan ay isa sa 145 na miyembro ng MILF-BIAF na naunang dumaan sa proseso ng decommissioning noong 2015.

Ang makasaysayang decommissioning na ito ang nagbigay daan upang mas mapagtibay pa ang tiwala at ugnayan sa pagitan ng gobyerno at ng MILF.

Matapos silang ma-dekomisyon, ay nakatanggap sina Datucan at ang kanyang mga kasamahan ng socioeconomic at livelihood interventions kabilang na ang sandaang libong pisong (PhP100,000) na immediate cash assistance mula sa nasyonal na pamahalaan.

Bagama’t patuloy pa rin ang pag-iimplementa ng iba’t-ibang socioeconomic programs na marapat ibahagi sa lahat ng nagpa-dekomisyon, malaking bagay na umano ang kanilang mga naunang natanggap na tulong pangkabuhayan.

“Binigyan po kami ng mga livelihood at binigyan din kami ng mga trainings sa TESDA. Binigyan din kami ng pangkabuhayan at may cash din na binigay sa amin,” ibinahagi ni Datukan.

“‘Yung PhP 100,000 po na binigay sa akin ang ginawa ko po dahil nangamba ako na baka matanggal kami dito [sa kinatatayuan ng aming pamamahay] kaya bumili na lang ako ng lote dyan sa taas. ‘Yan ang nasalba ko sa PhP 100,000 binili ko ng lote,” malugod n’yang sabi.

Hiling na lamang n’ya ngayon ay maibigay na ang iba pang bahagi ng socieoconomic programs sa kanilang mga decommissioned combatants.

“Ang iniisip ko rin na sana matupad ang mga pangako nila sa amin. Unang una, ang mga anak namin magiging scholar po,” ani Datucan na ang unang prayoridad ay mabigyan ng magandang kinabukasan ng kanyang mga anak.

Malaki ang pasalamat naman niya sa nasyonal na pamahalaan, lalong-lalo na kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na buong-pusong isinulong ang Bangsamoro Peace Process sa kanyang termino.

Ani Datucan, ito ang naging dahilan upang magpatuloy ang ikalawa at nalalapit na ikatlong bahagi ng decommissioning, gayundin ang pagkaratikipa ng Bangsamoro Organic Law at pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

“Maraming salamat dahil nakita ko talagang full support siya (Pangulong Duterte) sa pagkakaroon ng kapayapaan sa Mindanao. D’yan ko rin po nakita sa kanya na talagang ipinursigi niya ang kapayapaan hanggang sa ibinigay niya yung BARMM sa MILF,” pasasalamat ni Datucan.

“Dapat po ‘yung ganitong nasimulan ay ipagpatuloy alang-alang sa mga kabataan pa na nagnanais na magkaroon ng kapayapaan dito sa atin sa Mindanao. Lahat po na nakaranas ng giyera dito sa atin sa Mindanao talagang nahirapan mag-aral at nahirapan maghanap ng trabaho — ang apektado ay pamilya,” ayon sa kanya.

“Ngayon po, pag nagtuloy-tuloy ang usaping pangkapayapaan baka dito na po maranasan ng mga anak natin ‘yung totoong kapayapaan na walang giyera. Ang mahihirapan pag may giyera ay mga bata. Okay pa sa mga matatanda kasi natiis natin pero ang mga bata mawawala po ang kinabukasan nila,” panawagan nito.

Ngayon ay namumuhay na ng tahimik si Datucan kapiling ang kanyang asawa at mga anak sa sa lupang kanyang nabili niya gamit ang immediate cash assistance na natanggap niya.

Kaakibat ng pagbaba ng armas ng mga na-dekomisyong mandirigma ay ang kanilang pagyakap sa kapayapaan at pamumuhay ng tahimik at produktibong mga mamamayan, at maging isang magandang ehemplo sa mga susunod na henerasyon ng Bangsamoro.

Ang kwento ni Datucan ay kwento ng pagbabago at pag-asa na bunga ng sinserong usaping pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang panig — na ang iisang layunin ay makamit ang tunay at pangmatagalang kapayapaan sa lupang pangako — di lamang sa Mindanao kundi sa buong bansa. ###