COTABATO CITY — Lapis at papel ang hawak sa umaga, riple naman ang bitbit sa gabi.

Ganito ang buhay noon ni Norhan Hashim, naging miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa murang edad dahil sa pagnanais niya na sumunod sa yapak ng kanyang mga kapatid at ama na miyembro ng grupo.

Buong pag-aakala ni Hashim na hindi na siya makakapagpatuloy sa pag-aaral. Hanggang sa nakilala niya ang isang MILF member na lingid sa kanyang kaalaman ay punong-guro ng isang paaralan sa kanilang komunidad.

“Ang sabi niya, ‘Bukas, iwan mo mga baril mo at magpalit ka ng mga damit at sumama ka sa akin.’ Pagdating namin sa paaralan, hindi ko alam na may position siya sa paaralan. Kumuha siya ng logbook at sabi niya, ‘anong gusto mo?’ Sabi ko, ‘ang gusto ko ‘yung malapit na ako maka graduate,’” salaysay ni Hashim.

Ang pangyayaring ito ang nag-udyok sa kanya na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa high school. Siya ay naghanap ng iba’t-ibang pagkakakitaan upang may pambili ng mga gamit sa eskwela.

Sa kabila ng pagpupursigi na makatapos ng pag-aaral, ay hindi niya iniwan ang kanyang mga tungkulin sa MILF.

“Tapos ‘yun, nag-aaral ako at habang nag-aaral, pag-uwi naglilinis ako ng mga baril dahil na assign ako sa armory. Sabi niya (punong-guro) sa akin mamulot ako ng mga niyog at ibenta ko para pang-aral at may pambili ng mga papel. Kaya ‘yun ang ginagawa ko,” kuento pa niya.

Nang magtapos si Hashim ng high-school, ay pumutok ang all-out-war sa Mindanao at napilitang lumikas ang kanyang pamilya. Sa kasawiang palad, ang kanyang pinagpagurang diploma ay naiwan sa gitna ng kaguluhan.

“Tamang-tama, pag-graduate ko ng high school nag all out war. Ang mga diploma ko nga naiwan na doon kasi umalis kami,” salaysay ni Hashim.

Minimithing magandang kinabukasan para sa sarili, mga anak

Isa si Hashim sa 145 na miyembro ng MILF Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) na nagdaan sa unang phase ng decommissioning noong taong 2015.

Ang decommissioning ang proseso na kung saan tuluyang ibinababa ng mga combatants ang kanilang mga armas upang mamuhay bilang tahimik at produktibong mga sibilyan.

Nawala man ang pinaghirapang diploma, nanatiling buhay ang pagnanais ni Hashin na mapalawak ang kanyang kaalaman at kasanayan kahit dekada na ang lumipas mula nang makapasok siya sa silid-aralan.

Kaya naman nang malaman niyang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay nagbibigay ng iba’t-ibang skills training sa mga tulad niyang dating mandirigma ay sinunggaban na niya ang pagkakataon.

At nang matapos niya ang skills training sa ilalim ng TESDA, ay agad niyang nagamit ang kanyang kaalaman sa pagkukumpuni ng motor upang madagdagan ang kita at maiangat ang kabuhayan ng pamilya.

“Ako kumuha ako ng small engine [servicing NC II]. Kaya marunong na akong mag-ayos ng motor. ‘Yan na rin ang naging sideline ko. Kung may nasisira ako na ang umaayos,” pagmamalaki pa ni Hashim.

Maliban sa skills training ay dumaan din siya sa Values Transformation Training (VTT), at nabigyan pa ng immediate cash assistance na nagkakahalaga ng isang daang libong piso.

Dagdag pa dito ang mga alagang hayop mula sa Department of Agriculture (DA) na kanyang pinaparami.

“May natanggap akong isang buong baka, anim na kambing at 50 na pato. Andyan din ang pato. May isang kambing pa. Ang naibenta ko lang yung baka kasi walang makain. Kaya dinagdag ko na lang pampaayos ng bahay ko,” ani Hashim.

“Sa mga natitirang hayop ko na andito, paparamihin ko rin ‘yun. Nag-iipon din ako para makabili ako ng lupa na pang-farm,” dagdag pa niya.

Tuluyan nang tinalikuran ni Hashim ang armadong pakikipaglaban upang maitaguyod ang kanyang pamilya at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang dalawang anak at asawang labing-anim na taon na niyang kapiling.

“Ako naman sabi ko, kung ‘yan ang nakakabuti sa Bangsamoro, isali ninyo ako (sa decommissioning). Marami kaming tinatanong, maraming ayaw. Pero ‘nung ako na, ang sabi ko ‘kung ‘yan ang utos ng nakakataas at ‘yan ang makakabuti sa Bangsamoro, isali na ninyo ako kahit diyan na ako mamatay,” patuloy niyang salaysay.

Bagamat siya ay na-dekomisyon at tuluyan mang nagbaba ng kanyang armas, ay buo pa rin ang suporta niya sa MILF na kasalukuyang namumuno sa pamahalaan ng Bangsamoro.

At kung dati na riple ang kanyang pasan sa pakikipaglaban, ngayon ay mga larawan at kartolina na ang kanyang gamit upang tumulong na isulong ang kapayapaan.

“Bago lang noong extension ng BTA (Bangsamoro Transition Authority), andyan ako sa highway. Meron nga akong mga pictures na may hawak ng karatola para sa kapayapaan,” masaya niyang ibinahagi.

Bagong buhay, bagong pag-asa

Pagbabalik-tanaw ni Hashim, bago pa siya ma-dekomisyon ay naramdaman na niya ang mga pagbabagong nagaganap sa kanyang komunidad nang magsimula ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng MILF.

“Lumuwag na rin ang pamumuhay namin. Nababawasan na ang duty namin tapos nakakapaghanap-buhay na kami. Pagkatapos ng all-out-war, umuwi kami dito (Cotabato City). Ako, nag-security guard at nagtrabaho kahit saan saan na mga Intsik, mga labor at kahit anong trabaho tinatanggap ko. Dahil ‘yan sa peace process,” pagbabahagi ni Hashim.

Ang hiling niya ngayon ay ang tuloy-tuloy na kapayapaan sa Mindanao upang ang kanyang mga mapapait na karanasan ay hindi na pagdaanan pa ng kanyang mga anak.

“Sana tuloy-tuloy na ang kapayapaan na ito at itong peace process. Ganito, minsan tumatawag mga kasama ko at humihinig ng updates kung ano na ang status namin. Kaya ang hinihiling ko na lang sa kanila na sana tuloy tuloy na ito,” ani Hashin.

“Sana makatapos sila (mga anak) ng pag-aaral at hindi nila maranasan ang naranasan ko. Ako, gustong gusto kong makatapos sa pag-aaral. Kahit doon kami sa [labanan] gumagawa ako ng paraan para makapasok ako sa paaralan,” pagbabalik-tanaw niya.

Napakahalaga ng kaalaman kay Hashim kung kaya’t patuloy ang pagpapaalala niya sa kanyang mga anak na huwag bibitawan ang kanilang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.

Kung noon na ipinagpatuloy ni Hashim ang kanyang pag-aaral sa gitna ng armadong labanan, ngayon naman ay buong-tapang nilang hinaharap ang mga banta na dulot ng pandemya upang patuloy na makapag-aral ang kanyang mga anak.

“Ayokong maranasan ng mga anak ko ‘yun (giyera). Gusto ko tuloy-tuloy ang pag-aaral. Kahit ngayon na module sila, nagsisikap ako na pumunta ng paaralan para makakuha ng module at maging tuloy tuloy na (pag-aaral nila),” ani Hashim.

Ito naman ang kanyang mensahe para sa kanyang mga anak: “Sa pagsisikap ng mga magulang na tulad ko, mas magiging maliwanag ang kinabukasan nila kasi ‘yun ang pangarap ko para sa kanila.”

Matapos na malagdaan ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa pagitan ng nasyonal na pamahalaan at MILF noong 2014, ay patuloy ang pagpapatupad ng mga socioeconomic interventions sa ilalim ng normalization track na nakapaloob sa kasunduang pangkapayapaan.

At bagamat naantala ang pagpapatupad ng mga programang ito, ay sinisikap ng dalawang partido na maisagawa na ang pangatlong phase ng decommissioning upang tuloy-tuloy na ang transpormasyon ng mga miyembro ng MILF, kasama ang kanilang mga pamilya at komunidad.

Umabot na sa 12,145 ang bilang ng mga nadekomisyong MILF-BIAF combatants sa ilalim ng first at second phase ng decommissioning. Para sa ikatlong phase, inaasahang aabot ng 14,000 combatants ang magpapa-dekomisyon. ###